Joint resolution para sa pagbuo ng isang Congressional Oversight Committee on Education, pinagtibay sa komite sa Kamara

Pinagtibay ng Committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education ang pinagsamang House Joint Resolutions 26 at 27 na layong bumuo ng isang Congressional Oversight Committee on Education.

Ang naturang oversight committee ang magsasagawa ng national review, assessment at evaluation sa performance ng mga regulating agencies para sa basic at higher education.

Sa sponsorship speech ni Aurora Representative Rommel Rico Angara, tinukoy nito ang napakaraming hamon sa education system ng bansa tulad ng pagbaba sa bilang ng nag-e-enroll na junior high school papunta ng senior high school, kakulangan sa guro at silid-aralan, large class sizes, mababang learning achievement, at mababang passing rate sa licensure exams.

Dagdag pa nito na napapanahong magsagawa ng review sa kabuuang education eco-system na nabago dahil sa kasalukuyang COVID-19 pandemic.

Batay sa naturang House joint resolution, bubuoin ng tig-limang miyembro ng Mababa at Mataas na Kapulungan ang Konseho.