“Joint resolution” ng Kamara at Senado hinggi sa isyu sa West Philippine Sea, itinutulak ng isang kongresista

Nanawagan si Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers sa mga kasamahang mambabatas sa Kamara at Senado na bumuo ng isang “joint resolution” na magpapahayag ng iisang boses ng mga mambabatas kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea.

Paliwanag ng mambabatas, hindi nito layon na magdeklara ng giyera bagkus ay para magkaroon lamang ng “united voice” o iisang posisyon hinggil sa pag-angkin ng China sa ating mga teritoryo at presensya ng kanilang pwersa sa West Philippine Sea gaya sa Julian Felipe reef.

Naniniwala rin si Barbers na ang joint resolution ay magsisilbing matibay na boses na maririnig ng international community na maaaring magpalambot sa China.

Dagdag ng mambabatas, kailangan na magpakita ang ating bansa ng sinseridad para angkinin ang sariling atin, na patungkol sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea.

Hindi rin aniya dapat umalis ang pwersa ng Pilipinas sa teritoryo dahil kailangang magpakita tayo na may nagbabantay doon kahit mas marami ang mga barko ng China.