Japan gov’t, nagbigay ng donasyong bigas para sa mga sinalanta ng bagyo sa Pilipinas

Abot sa 560 metric tons ng bigas ang ipinagkaloob ng Japan government sa National Food Authority (NFA) bilang donasyon sa Pilipinas.

Ayon kay NFA Administrator Judy Carol Dansal, ang ibinigay na bigas ay para sa mga sinalanta ng nagdaang bagyong Ineng at Jenny sa Ilocos Norte at Pangasinan.

Ang rice donation ay ginawa sa ilalim ng Tier 3 Program ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR).

Una nang hiniling ng NFA sa APTERR ang karagdagang ayudang bigas bilang emergency assistance para sa dalawang lalawigan na lubha ding naapektuhan ng kalamidad.

Aniya ang Japan’s rice donation sa Pilipinas ay magpapalakas pa sa regional cooperation sa mga member countries na kasapi ng APTERR.

Sinabi pa ni Dansal na ang mga affected families na tinukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay makakatanggap ng tig-30 kilo ng bigas.

Ang ceremonial turn over ng rice donation ay ginawa kahapon sa pagitan nina Mr. Chanpithya Shimphalee, ang APTERR General Manager, Mr. Takashi Amo, Director General ng Crop Production Bureau ng Japan Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries at NFA Administrator Judy Carol Dansal.