Jail detainees, iba pang uniformed personnel sa NCR+, pinababakunahan na rin

Iminungkahi ni Misamis Oriental Representative Juliette Uy na bakunahan na rin ang city jail detainees at iba pang uniformed personnel na nasa NCR+ upang maiwasang masayang ang COVID-19 vaccines.

Bago aniya abutan ng expiration sa Hunyo ang mga bakuna ay maaari na itong i-rollout sa jail facilities at isama na rin ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), National Bilibid Prison (NBP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic personnel, at mga barangay tanod.

Mas madali aniyang gawin ang pagbabakuna sa mga ito dahil nasa iisang lugar tulad ng mga facilities, kulungan, o field stations ang mga ito.

Sakaling may sobra pa ring vaccine, maaaring ibigay naman ito sa mga nasa paligid ng mga kulungan at tanggapan ng naturang mga ahensya upang magkaroon na ng localized herd immunity sa kanilang komunidad.