“Iwas Paputok Campaign”, ikinasa na ng DOH Bicol

Pinangunahan ni Department of Health (DOH) Bicol Regional Director Ernie Vera, ang paglulunsad ng “Iwas Paputok Campaign” ng departamento sa rehiyon.

Sa isang pulong balitaan na dinaluhan ng mga kagawad ng media sa Albay at Bicol, umapela ang opisyal sa mga mamamahayag, at sinabing malaki ang tulong ng mga ito  sa tagumpay ng kampanya.

Ang  buwan ng Disyembre bilang Fire Crackers Injury Prevention Month ay taunang programa ng departamento katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at sekyor ng lipunan, alinsunod sa  Republic Act 7183.

Nilagdaan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang Executive Order Number 28, na ang paggamit ng fire cracker ay nakasentro sa fireworks display para maiwasan, kung hindi tuluyang matigil ang mga insidente ng pagkasugat o mas  malala pa dahil sa paggamit ng mga paputok.

Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng watusi, picolo,  super lolo, atomic,  big traingulo,  mother rockers, lolo thunder,  pill box, boga,  Judah’s  belt, big bawang, kwiton,  goodbye Philippines at kabase.

Ayon kay Jaime Guerrero, regional officer-in-charge ng programa, ang mga ordinansa na isusulong ng mga lokal na pamahalaan ay regulasyon lamang at hindi total ban ayon sa batas, kasama na ang Lungsod ng Legazpi.

Sa Disyembre 17, ang lahat ng lokal na pamahalaan sa Albay ay lalagda ng suporta sa “Iwas Paputok Campaign” ng DOH. | ulat ni Nancy Mediavillo – Radyo Pilipinas Albay