Ituloy ang paglagda sa MOU ng Pilipinas at Kuwait, sa kabila ng pagpapauwi kay Amb. Villa – Gatchalian

Naniniwala si Senador Win Gatchalian na hindi makakaapekto sa nakatakdang paglalagda ng Memorandum of Understanding (MOU) ang desisyon ng Kuwaiti government na pagpapa-uwi kay Ambassador Renato Villa.

Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na talagang unfortunate ang nasabing pagpapauwi ng Kuwaiti government kay Ambassador Villa.

Gayunpaman, kailangan pa rin umano matuloy ang nakatakdang paglagda sa MOU upang masiguro na mapo-protektahan ang overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait na nasa 250, 000 ang bilang.

Mahalaga ani Gatchalian na may mapupuntahan ang OFWs sakaling sila’y nagkaka-problema.

Sa tingin ng mambabatas, hindi naman maaapektuhan ang nakatakdang paglagda ng MOU sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait. Sapagkat, isolated event naman umano ang nangyari kay Ambassador Villa, kung saan napilitan lang ang ating embahada na kumilos bunsod ng agarang pangangailangan ng ating domestic workers ng mga oras na iyon.

Diin ni Gatchalian, na kailangan pa rin maituloy ang paglagda sa nasabing MOU sapagkat ang Kuwait ay partner ng Pilipinas, dahil nga sa maraming Pilipino ang naninirahan at nagta-trabaho doon na mangangailangan ng pagsiguro na ang kanilang kapakanan, interes at kaligtasan ay napo-protektahan. | via Jojo Ismael