Isyu sa South China Sea, hindi prayoridad na mapag-usapan sa muling paghaharap nina Pangulong Duterte at ni President Xi Jinping bukas

Naniniwala si Philippine Ambassador to China Jose Santiago Romana na mas mapag-uusapan nina Pangulong Rodrigo Duterte at ni Chinese President Xi Jinping sa kung paanong mas lalakas pa ang relasyon ng Pilipinas at ng China.

Punto ni Sta Romana, masyadong magiging limitado ang oras nina Pangulong Duterte at ni President Xi para mabuksan pa ang isyu sa South China Sea.

Kumpiyansa ang Philippine Ambassador na iikot ang pag-uusap ng dalawang lider sa kung paano pa mas mapapalakas ang bilateral relations at mapapalalim ang ugnayan ng dalawang bansa.

Kapwa nagsisikap naman ani Sta. Romana na masolusyonan ng magkabilang bansa ang anomang gusot na nalikha ng isyu sa South China sea sa pamamagitan ng patuloy na paghahanap ng areas of cooperation.

Sa halip aniyang tumutok sa usapin, kumbinsido si Sta. Romana na may mas mahalaga pang maaaring mapag-usapan ang dalawang lider kaysa muling maungkat ang territorial dispute issue. | via Alvin Baltazar