Isolation facilities sa QC, nadagdagan pa

Mas dinamihan pa ng Quezon City ang mga isolation facility nito matapos buksan ang HOPE Community Caring Facility 9, 10, at 11. 

Inihahanda ang mga pasilidad na ito sakaling tumaas muli ang bilang ng mga pasyenteng magpositibo sa COVID-19 katulad ng nangyari noong buwan ng Marso. 

Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte, Councilor Marivic Co-Pilar, HOPE facility overall coord. Dr. Amie Guzon, Educ. Affairs Unit Head Aly Medalla, at QCDRRMO Logistics Head Cindy Garcia ang pagpapasinaya ng HOPE 9 sa San Francisco High School, HOPE 10 sa Kamuning Elementary School , at HOPE 11 sa GSIS Elementary School. 

Kasabay nito, binuksan din ang 61-bed capacity HOPE 2 sa Quezon City University – TechVoc building. 

Bawat HOPE facility ay may sariling clinic, botika, at supply room. 

Ang mga pasyente at healthcare worker ay mayroon ding sari-sariling vitamins at hygiene kit na magagamit nila sa kanilang quarantine at pag-duty sa pasilidad. 

Mayroon din itong kwarto para sa mga pamilyang mag-popositibo sa virus at magkakaroon din ng dedicated room para sa mga residenteng miyembro ng LGBTQ community. 

Sa kabuuan, mayroon nang 11 HOPE facility ang lungsod na kumakalinga sa mga COVID-19 positive na asymptomatic o may mild symptoms.