Island resorts sa bansa, sisilipin ng DILG

Sa pagbubukas sa turista ng isla ng Boracay, sisilipin na rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng island resorts sa bansa para maiwasan ang pagpapasara sa mga ito.

Ito ay bilang aksiyon sa kaautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kagawaran na subaybayan ang mga island resorts at beach tourism destinations sa buong bansa.

Upang makasiguro na ang kagawaran ay makakasunod sa direktiba ng Pangulo, inatasan ni DILG OIC-Secretary Eduardo Año ang lahat ng regional offices ng kagawaran na magsumite ng report ng mga listahan ng mga ordinansa na inisyu ng lalawigan, lungsod at bayan na may kaugnayan sa pangangalaga sa kalikasan, pagtatayo ng mga gusali at easement regulation.

Isusumite ang regional reports sa DILG Beach Tourism Monitoring Team na binuo mula sa dating DILG Boracay Secretariat.

Dahil malaki ang epekto sa kabuhayan ng mga tao at lokal na ekonomiya ang pagsasara ng mga tourism site, hinikayat rin ni Año ang mga lokal na pamahalaan na huwag ng maghintay ng kaparusahan o mga interbensyon mula sa gobyerno.

Magugunitang sa ika-29 na pulong ng gabinete nitong Setyembre, inatasan ng Pangulo ang DILG kasama ang Department of Tourism at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na “patuloy na subaybayan at maging mapagbantay sa pangangasiwa sa ibang island resorts.”| ulat ni Ched Oliva