Isasagawang imbestigasyon ng Senado sa mga naranasang aberya sa SEA Games, welcome sa Palasyo

Welcome sa Palasyo ang inisyatibo ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon, kaugnay sa mga usaping kinakaharap ng pagho-host ng Pilipinas sa 2019 South East Asian (SEA) games.

Gayunpaman, sinabi ng Palasyo na magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Office of the President (OP) kaugnay dito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, agad na gugulong ang imbestigasyon ng OP sa mga naitalang aberya, sa oras na matapos na ang SEA games.

Bubuo aniya ng komite ang Pangulo na mangunguna at tututok sa isasagawang imbestigasyon.

Matatandaan na una na ring sinabi ng kalihim na sa oras na gumulong na ang imbestigasyon at mapatunayang mayroong naganap na iregularidad, tiyak aniya na mayroong mananagot.

Sa kasalukuyan, ayon sa kalihim, hayaan na muna na magpatuloy ang patimpalak nang walang mga batikos.