Isang taong hindi pagbibigay ng working visa sa mga Pinoy ng Amerika, pinatitingnan ng Palasyo sa DFA

Pinakikilos ngayon ng Malacañang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at embahada ng Pilipinas sa Amerika upang silipin kung may basehan ang naging hakbang ng Estados Unidos, na huwag munang mag-isyu ng working visa sa mga Pilipino ng hanggang isang taon.

Kasunod ito ng naging direktiba na inisyu ng US Department Homeland Security bunsod ng umano’y paglala ng mga kaso ng overstaying ng mga Pinoy at pagkakadawit sa isyu ng human trafficking.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mas maiging hayaan na munang ipaubaya ang issue sa DFA at Philippinne Ambassador to US at mula doo’y malaman kung may ground talaga para ipairal ang ban sa pag-iisyu ng working visa.

Kung wala namang makitang basehan, sinabi ni Panelo, maaaring humingi ng reconsideration upang bawiin ang pagpapatupad ng ban.

Sakali’t may basehan naman, inihayag ni Panelo na dapat irespeto ng pamahalaang Pilipinas ang pasiya ng Amerika.

Nagsimula ang one year-ban nitong nakaraang Enero 19 at magtatagal hanggang January 18, 2020.  | ulat ni Alvin Baltazar