Isang sibilyan na kasama ng 2 pulis na dinukot ng Abu Sayyaf, pinalaya na

Pinalaya na ng Abu Sayyaf ang isa sa mga sibilyan na kasama ng dalawang pulis na dinukot ng grupo noong nakaraang buwan sa Bgy. Liang, Patikul Sulu.

Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Director Chief Supt. Graciano Mijares ang pinalayang kidnap victim na si Faizal Ahidji y Hambali, isa sa dalawang sibilyang kasama ng dalawang dinukot na pulis na sina PO3 Benierose Alvarez and PO1 Dinah Gumahad.

Batay sa kwento ni Ahidji, habang kasama niya ang mga kidnapper nitong Sabado, Mayo 5 ay tinakpan ang mga mata nito at iniwan na lang sa gubat ng Daan Puti, Brgy. Bangkal.

Agad na dumiretso ang pinakawalang biktima sa bahay ng kanyang lola sa Brgy. San Raymundo, Jolo, at matapos nito ay dinala naman sya ng kanyang mga kamag-anak sa headquarters ng Joint Task Force Sulu, kahapon.

Kwento ni Ahidji, ang pinaigting na operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dahilan kung bakit sya pinalaya ng nasa labing dalawang (12) armadong indibidwal na dumukot sa kanya.

Kamakalawa ay napatay ng mga tropa ng Joint Task Force Sulu ang tatlo sa mga Abu Sayaff kidnappers sa ongoing pursuit and rescue operations.

Kinumpirma naman ni Ahidji, na buhay pa ang dalawang pulis at ang isa pa niyang kasamang sibilyang dinukot na si Jackosalem Blas, na nasa kustodiya parin ng mga kidnappers. | via Leo Sarne