Isang motorsiklo, sumabog malapit sa checkpoint sa Maguindanao – AFP

Isang motorsiklo ang sumabog sa hindi malamang kadahilanan malapit sa checkpoint ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Tambunan, Talayan, Maguindanao, alas-12 kninang tanghali.

Sa ulat ni Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, papalapit ang motorsiklo na may lulang isang lalaki sa checkpoint nang bigla nalang itong bumalik sa direksyong pinanggalingan.

Ilang sandali makalipas nito ay iniwan ng driver ang motor at bigla na lamang itong sumabog kung saan walang iniulat na nasaktan sa insidente.

Naniniwala si Encinas, na walang kinalaman sa Bangsamoro Organic Law (BOL) plebiscite ang naturang insidente dahil limang oras ang layo ng pinangyarihan ng insidente sa pagdarausan ng plebisito.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at inaalam na ngayon ng PNP kung kanino nakarehistro ang nasabing sumabog na motor. | ulat ni Leo Sarne