Isang mambabatas, nanawagan sa mga negosyante na suspindihin ang ‘no work, no pay’ policy sa mga empleyado na may sintomas ng COVID-19

Umapela si ANG PROBINSYANO Partylist Rep. Alfred Delos Santos sa mga negosyo at employers na suspindihin na muna ang pagpapatupad nila ng ‘no work, no pay’ policy.

Ito’y matapos makausap ang ilang empleyado at manggagawa na nakaranas ng sintomas ng COVID-19.

Marami aniya sa kanila ang apektado ang kita dahil sa hindi nakapasok sa trabaho bilang pagsunod sa kinakailangang isolation period.

Bukod sa mga empleyado, ay matutulungan din aniya ng suspensyon ang pamahalaan upang mas mahimok ang mga indibidwal na sumunod sa pag-isolate at mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Dahil aniya kasi sa ‘no work, no pay’ policy ay pinipilit pa rin ng ilang empleyado na pumasok kaysa lumiban sa trabaho at mawalan ng sweldo.

Maaari naman aniyang hingan ng employer ng medical certificate mula sa isang doktor o barangay health worker ang empleyado bilang patunay na mayroon itong COVID-19 symptoms.

Pinuna rin ni Delos Santos ang mga kompanaya na binabawasan ang sweldo ng mga empleyado na naka-Work From Home.

“Mali po yun. If the employee is doing the same amount of work during a WFH arrangement as the work that he or she used to do at the office, the same amount of pay should be given. A contrary policy would only encourage people to go out of their homes just to get the full pay.” diin ng kongresista.