Isang linggong deadline ibinigay para tuntunin ang mga bus companies sa QC na may isyu pa ng non-compliance matapos masangkot sa aksidente ang Dimple Star Transport

Binibigyan lamang ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ng isang linggong deadline ang Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng city hall upang tuntunin ang mga bus companies sa lungsod na may mga isyu pa ng non-compliance sa kabila ng ibinigay na panahon na ayusin ang kanilang mga paglabag.

Ang direktibang ito ay kasunod ng trahedyang kinasangkutan kamakailan ng isang bus ng Dimple Star Transport sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Ayon kay Bautista, sa loob ng nabanggit na panahon ay dapat makapag-ulat na sa kanyang opisina ang BPLO upang agad itong aksyunan ng local government.

Babala pa nito na hindi sila magdadalawang-isip na tanggalan ng business permit ang mga kumpanya ng bus na may kahalintulad na problema gaya ng sa Dimple Star Transport na sinilbihan na ngayong araw ng closure order.

Matatandaan noong nakaraang taon pumasok sa kasunduuan ang QC government, LTFRB at MMDA sa crackdown sa mga pasaway na terminal ng bus sa Edsa pero sa kabila nito ay pinayagan pa rin ang ilang operators na mag-operate muli matapos namang maging compliant ang mga ito.

Kaya’t pakiusap ng alkalde sa lahat ng bus terminals sa Quezon City na sumunod sa mga patakaran at regulasyon ng gobyerno upang hindi manganib na mapasara. | via Shane Juan