Isang consumer’s group, may nakikitang ‘liwanag’ sa inaasahang pagbabago sa Supreme Court

Sa inaasahang pagbabago sa liderato ng Supreme Court (SC) matapos patalsikin sa pwesto si dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, may nakikitang ‘liwanag’ at umaasa ang isang grupo na mapagtutuunan na ngayon ng pansin ang kalagayan ng power consumers.

Ito ay may kaugnayan sa pagnanais ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) na aksyunan ng Korte Suprema ang pagsilip sa implementasyon ng kontrobersiyal na competitive selection process na ipinatutupad ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Sa pamamagitan ng polisiyang ito, inaatasan ang lahat ng distribution utilities at electric cooperatives sa bansa na isailalim lamang sa bidding sa halip na gawing bilateral contracts ang pagbili sa kanilang power requirements.

Ayon kay UFCC President Rodolfo Javellana, dehado rito ang consumers dahil patuloy na magmamahal ang singil sa kuryente.

Paliwanag ni Javellana, noong December 2013 halimbawa, umakyat sa P4.15 ang kada kilowatt hour na singil ng power distributor na Manila Electric Company (Meralco).

Hindi pa dito tumigil ang power hike ng Meralco na sinundan noong January 2014 sa halagang P5.30 sa kada kilowatt hour na singil.

Kasabay nito, nanawagan pa ang grupo na pakinggan ng Kataas-taasang Hukuman ang hinaing ng taumbayan lalo na sa mga isyung may direktang kinalaman sa sikmura ni Juan dela Cruz sa halip na panay ingay lang patungkol kay Sereno. | via Shane Juan