Isang bahay ang natabunan matapos ang landslide sa Payatas, Quezon City

Himalang nakaligtas ang isang pamilya sa Payatas-A, Quezon City matapos matabunan ng lupa ang kanilang bahay dulot ng landslide dahil sa walang humpay na pag-ulan.

Nagpapasalamat ang pamilyang Gilda Lumintigar dahil walang nasugatan sa kanyang pamilya nang maganap ang pagguho ng lupa sa Lower Sampaguita Brgy. Payatas-A ng nasabing lungsod.

Ayon sa kanya, pasado alas-11 ng umaga nang maganap ang landslide dahil sa mga pag-ulan dala ng bagyong Nica, bagyong Ofel, at bagyong Pepito.

Nakarinig daw sila ng malakas na tunog bago naganap ang landslide at ilang sandali pa ay gumuho na ang lupa at nabagsakan ng puno ang kanyang bahay.

Pansamantalang nanunuluyan sa relocation area ang pamilya ni Lumintigar habang lumikas na rin ang iba pa niyang kapitbahay sa takot na matabunan din ng lupa. 

Nangako naman ang lokal na pamahalaan na hahanapan nila ng malilipatan ang mga naapektuhan ng landslide habang ipagbabawal na rin ang pagtatayo ng kabahayan sa nasabing lugar.