Isang alyansang grupo, tatangkaing makakuha ng kopya ng SALN ng mga mahistrado ng Korte Suprema upang matiyak ang kanilang ‘compliance’ matapos ang ruling sa Sereno quo warranto case

Tatangkain ng alyansang grupo na Movement against Tyranny na makakuha ng mga kopya ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga mahistrado ng Korte Suprema.

Ngayong araw (June 4), maghahain ng formal request ang grupo sa Court of Appeals (CA) at Sandiganbayan upang mabigyan sila ng kopya ng SALN na isinumite ng incumbent justices noong sila pa ay naninilbihan sa CA at anti-graft court.

Giit ng alyansa, ang disclosure o pagsasapubliko ng kanilang SALN ay isang ‘justified’ at ‘necessary consequence’ matapos ang Supreme Court (SC) ruling sa Sereno quo warranto case noong May 11 na nagsabing dinidetermina ang integridad ng isang mahistrado ng korte sa kanyang pagsunod o kabiguan na maghain ng tamang annual document.

Matatandaang ito ang pinagbatayan ng SC nang desisyunan sa botong 8-6 ang quo warranto petition ng Office of the Solicitor General (OSG) laban sa pagkakatalaga kay dating CJ Ma. Lourdes Sereno dahil sa hindi tamang deklarasyon ng kanyang SALN.

Ayon kina dating Senador Rene Saguisag at Sr. Mary John Mananzan na kapwa convenors ng Movement against Tyranny, marapat anila na patunayan sa publiko ng mga kasalukuyang SC associate justices na sila ay SALN compliant bilang pagtalima na rin sa Konstitusyon at sa iba pang umiiral na batas gaya ng Anti-Graft Law at Code of Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Una dito, noong Biyernes (June 1) pormal na ring naghain ang grupo ng kanilang letter request at application for SALN copies na opisyal na tinaggap ni SC Clerk of Court Edgard Aricheta. | ulat ni Shane Juan