Isa sa mga lider ng KAPA, itinurong mastermind sa pagpatay sa radio station manager ng dalawang saksi


Iniharap ngayon nina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Undersecretary Joel Egco ang dalawang witness na tumutumbok sa mastermind ng pagpatay kay Brigada News FM Kidapawan Station Manager Eduardo Sanchez Dizon.

Tinukoy bilang mastermind sa pagpatay kay Dizon ay kinilalang isang Dante Tabosares alias Bong Encarnacion, isa sa mga lider ng KAPA Ministry community na una nang idinadawit sa scam.

Isa sa dalawang witness na nakilalang si Helario Lapi ay nagsabing kusang loob ang kanilang ginawang paglutang para magbigay ng kanilang testimonya.

Sa ngayon ay nasa ilalim na ng Witness Protection Program na sina Lapi at Renato Sagoncillo sa gitna ng natatanggap nitong mga banta sa kanilang buhay.

Sinabi naman ni PTFMOS Executive Director Usec. Egco na bukod kay alias Bong Encarnacion ay anim na iba pa ang nakikita nilang sangkot sa pagpatay sa broadcaster habang may dalawang indibidwal na sangkot sa pagpaslang ay napag-alamang miyembro din ng media.

Sa ngayon ay itinuturing ng “case closed” na ang kaso ng pagpatay kay Dizon gayung hindi na aniya maituturing na misterioso ang kaso sa dahilang identified na nila ang mga suspek kabilang na ang mastermind habang patuloy pa rin aniya nilang inaalam sa kung may mataas pang mastermind kay Dante Tabosares alias Bong Encarnacion.