Isa sa mga kidnapper ng 2 policewomen, patay sa pursuit operation ng militar sa Sulu

Napatay ang isa sa mga umano’y kidnapper ng dalawang babaeng pulis sa ongoing pursuit operations ng militar sa Patikul, Sulu.

Ito’y matapos ang 15-minutong enkwentro sa pagitan ng mga tropa ng 5th Scout Ranger Battalion ng Joint Task Force Sulu at ng armadong grupo na may hawak sa dalawang pulis bandang alas-3 ng hapon nitong Martes sa Brgy. Mauboh, Talipao, Sulu.

Iniulat ng militar na tatlong sundalo ang sugatan sa naturang enkwentro, habang marami sa mga kalaban ang sugatan batay sa mga bakas ng dugo sa encounter site.

Magugunitang ang dalawang pulis na sina Police Officer 2 Benierose Alvarez, at Police Officer 1 Dinah Gumahad, ay dinukot ng armading grupo sa Brgy. Liang, Patikul, Sulu matapos manggaling sa Camp Teodulfo Bautista noong Linggo ng hapon.

Kasamang dinukot ang dalawang sibilyan na kinilalang sina Jakosalem Ahamad Blas at Faizal Ahidji.

Kahapon ay binunyag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na humihingi ng limang milyong ransom ang mga kidnappers para sa buhay ng dalawang pulis, pero binigyang diin na patakaran ng PNP na wag mag give-in sa terrorist demands.

Tiniyak naman ni Joint Task Force Sulu Commander Brigadier General Cirilito Sobejana, na ongoing ang pursuit operations ng militar para mailigtas ang mga kidnap victims. | via Leo Sarne