Isa sa dalawang assistant secretary na sinibak sa puwesto ni Pangulong Duterte, kasabwat ng mga nasa smuggling syndicate — PACC

Ibinulgar ni Presidential Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica na sangkot sa sindikato ng smuggling ang isa sa mga assistant secretaries na kamakailan lang ay pinagbitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.
 
Ito ay sa katauhan ni dating Department of Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon Sr.
 
Ayon kay Belgica, pinakamataas na dawit sa sindikato ng smuggling si Macarambon Sr. na nagsisilbing padrino kasama ang iba pang prosecutor ng DOJ na ang trabaho’y mapalusot ang mga kontrabando.
 
Sundo system din aniya ang ginagawa ng mga smugglers kasabwat ang ilang tiwaling taga-DOJ at iba pang mga opisyal ng BOC at iba pang sangay ng gobyerno.
 
Kabilang din sa hot items na ipinupuslit umano ng sindikato ay iligal na droga na noon pa aniyang 2012 nagsimula.
 
Tinatayang P10 bilyong piso ng halaga ng mga kontrabando ang naipasok ng sindikato na mula sa 133 smuggling activities. | via Alvin Baltazar