Isa pang baril na ginamit sa pagpatay kay Cong. Batocabe, narekober sa Ligao City

Narekober ng mga elemento ng Special Investigation Task Group “Batocabe” ang isa pang baril na umano’y ginamit sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe at sa security escort nito.

Sa report na nakarating sa Camp Crame, nakuha ang Taurus PT24/7 PRO 45 caliber pistol na may serial number NEY 89334, kasama ang magazine na may 10 rounds ng ammunition sa isang fishpond sa Purok 3, Brgy. Busay, Ligao City ngayong alas-12:35 ng tanghali.

Narekober ang baril sa tulong ni Christopher Naval, alyas Tuping, ang isa sa mga suspek sa krimen.

Ayon kay Tuping, ang baril ang isa sa dalawang baril na ginamit ng gunman na si Henry Yuson.

Ang narekober na baril ay isusumite ng Ligao City Police Station sa Crime Lab Region 5 para sa ballistics testing.  | ulat ni Leo Sarne