IP tribal leaders, hiniling sa Pangulo na imbestigahan ang massive killings ng mga Lumad sa Mindanao

Isang manipesto o resolusyon ang binuo ng Mindanao Indigenous Peoples Council of Elders and Leaders (MIPCEL), na naglalayong iparating kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang karaingan at kahilingan na imbestigahan ang patuloy na pagpatay umano ng New People’s Army (NPA) sa mga lider ng Lumad sa Mindanao.

Sa Kapehan sa Davao press conference, binanggit ni Lipatuan Joel Unad, lider ng MIPCEL, ang ilang mahahalagang isyung nakapaloob sa resolusyon.

Ilan dito ay ang massive killing ng ilang leader sa iba’t ibang rehiyon sa Mindanao, massive recruitment ng mga kabataang Lumad, at panawagan sa Department of Education (DepEd) na imbestigahan ang Salugpungan Learning Center o mga paaralan na kaduda-duda ang mga layunin sa pagtuturo sa mga kabataang Lumad.

Sinabi ni Unad, ang paaralan na ito na matatagpuan sa ilang bahagi ng Mindanao ay nagtuturo ng dahas, at mga doktrina ng CPP-NPA.

Inihalimbawa nito ang pagtuturo ng alphabet letters na ABKD, na may kaakibat na kahulugan tulad ng A ang ibig sabihin ay armas at ang B ay bala.

Ang pahayag ni Unad ay pinatotohanan naman ni Asenad Bajo, dating estudyante ng Salugpungan, na kumalas dahil hindi na nila umano matiis ang karahasan at pang-aabuso ng baklang guro sa kanya at sa kanyang mga kapwa estudyanteng lalaki, na kapag hindi umano sila pumayag ay hindi sila ipapasa sa klase, maliban pa sa wala naman silang nakikitang kinabukasan at direksiyon sa kanilang pag-aaral doon.

Kabilang sa kanilang ginagawa sa Salugpungan ay ang panonood ng mga palabas na nagtuturo kung paano salakayin ang detatchment.

Bilang patunay na ang layon ng Salugpungan ay hindi upang mabigyan ng magandang edukasyon ang mga kabataang Lumad, inawit nito ang lupang hinirang na iniba ang kahulugan at laman ng kanta.

Si Bajo ay nangangarap na maging engineer, ngunit dahil sa hindi magkatugma ang kanyang pinag-aralan sa Salugpungan at sa tunay na paaralan, ay wala umano siyang maipakitang form 137 na pangunahing dokumento na hiningi sa kanya ng DepEd.

Dahil sa umabot lamang siya ng grade 4, pinayuhan siya ng DepEd na sumailalim sa Alternative Learning System o ALS, ngunit sa una pa lamang pagsabak sa exam ay bumagsak na siya dahil wala umano siyang maintindihan.

Ayaw na rin nitong bumalik sa grade 1 dahil sa kanyang edad, siya ay 20 taong gulang na ngayon.

Samantala, kinuwestiyon din ng mga tribal at council of elder, ang ginawa ni Satur Ocampo at ng ACT na pagdadala sa 14 na mga kabataang IP na wala man lang pahintulot sa magulang.

Aniya, duda ang kanilang tribu na ang nasa likod ng ginawa ni Satur at ng ACT ay ang CPP-NPA.

Epektibo ngayong araw ayon kay Unad, ipagbabawal na rin aniya ng MIPCEL ang pagpasok ng non-government organizations, government institutions at ang iba pang grupo sa mga lupang itinuturing na ancestral domain ng hindi dumadaan sa protocol, at pahintulot ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP.

Ang nabanggit na resolusyon ay pinalagdaan ng MIPCEL sa mga Lumad doon mismo sa press conference, upang hindi aniya sabihin ng kanilang kritiko na pinilit lamang nila ang mga ito na pumirma. | ulat ni Dang Sabdani – Radyo Pilipinas Davao