International flights sa NAIA, bumagsak sa 26% dahil sa COVID-19 ban

Inamin ng Manila International Airport Authority (MIAA) na aabot na lamang sa halos 1/4 ng regular international flights ang nagpapatuloy ang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito’y matapos ipatupad ang travel ban sa lahat ng mga dayuhang papasok sa bansa dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa pinakahuling tala ng MIAA kahapon, 63 flights ang operational sa tatlong terminal ng NAIA o 32 departures at 31 arrivals.

Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, bumagsak sa 26-percent ang flights sa paliparan lalo’t wala nang domestic flights matapos itong suspendehin ng local airlines.

Simula kahapon ay inanunsyo ng ilang international carriers ang kanselasyon ng biyahe partikular ang Turkish Airlines, Qatar Airways at Delta Airlines.

Nauna rito, nagpatupad ng flight cancellations abroad ang Cebu Pacific bagama’t ang Philippine Airlines ay mayroon pang biyahe patungong Estados Unidos.

Samantala, idinagdag naman ni Monreal na isinasailalim sa Bureau of Quarantine protocols ang mga empleyado ng NAIA habang ang mga personnel na may direct contact sa mga pasahero ay inaabisuhan na magsuot ng face mask at sundin ang social distancing.