Inter-agency task force, umaasang mapanatili ng pangmatagalan ang pagpapaganda sa Boracay

Sa muling pagbubukas ng Boracay bukas, Biyernes, ang mga ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa rehabilitasyon ay umaasa na ang mas magandang ‘environmental condition’ ng sikat na isla ay mapanatili ng pangmatagalan.

Ito ay ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, na siyang namumuno ng Boracay Inter-Agency Task Force.

Muli itong magbubukas eksaktong anim na buwan makaraang isara ito sa mga turista upang bigyang-daan ang kinakailangan nitong rehabilitasyon mula sa seryosong pagkasira ng kapaligiran, partikular na ang pagiging marumi ng dati nitong napakalinaw na tubig.

Ayon kay Cimatu, ang ‘environmental sustainability’ ng Boracay ay nakasalalay sa kung paano susunod ang mga residente, turista at stakeholder sa guidelines na inilatag ng inter-agency task force upang protektahan ang isla mula sa ‘unsustainable tourism practices.’

Naniniwala ang kalihim na higit pa sa mahahalagang pagpapabuti at innovation sa isla, ang pagbabago sa ugali, mapa-lokal o turista, ay magdadala ng tunay na pagbabago sa lugar.

Nagpahayag naman si Cimatu ng pag-asa na ang inter-agency task force ay matagumpay na nailatag ang mga pundasyon para sa isang “sustainable Boracay” sa loob ng anim na buwan na sumailalim ito sa rehabilitasyon. | ulat ni Ched Oliva