Inter-agency Task Force on Federalism, may listahan na ng magsisilbing spokespersons sa pederalismo – PCOO Sec. Andanar

Mayroon ng mga magiging spokesperson ang pamahalaan tungkol sa pederalismo.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, kanilang isasapubliko ang magiging federalism spokespersons sa sandaling matapos na ang ikatlo at pinal na pagpupulong ng inter-agency ngayong linggong ito.

Sinabi ni Andanar na nais na nilang simulan ang pangangampanya sa pederalismo kaya pagkatapos na pagkatapos ng pinal na pagpupulong ng inter-agency ay agad na silang gagalaw upang ikasa ang federalism campaign.

Isa aniya sa agad na gagawain ng PCOO ay ang makagawa ng radio at TV advertisement habang makikipag-usap na rin aniya sila sa Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) para sa anumang posibleng maitulong nito sa information dissemination campaign ng gobyerno tungkol sa pederalismo.

Ayon kay Andanar, nangangailangan din sila ng mga volunteer at ang sinumang interesado ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan. | ulat ni Alvin Baltazar