Inter-Agency Task Force, magpapatupad ng ‘hotel booking before plane ticket policy’ para sa mga turistang pupunta ng Boracay

Pinayuhan ngayon ng Inter-Agency Task Force ang mga turistang nagbabalak magbakasyon sa isla ng Boracay na umiwas sa mga posibleng abala, at alamin muna ang mga polisiya na ipatutupad nito.

Ang paalala ay ginawa sa harap ng gagawing paglilimita sa pagdagsa ng mga turistang nais na magtungo ng isla na nakatakdang muling buksan sa darating na Biyernes, Oktubre 26.

Payo ni Environment Undersecretary Jonas Leones, mas makabubuting magpa-book muna sa may 150 compliant hotels na may 5,000 capacity bago magpa-book ng ticket sa eroplano.

Ayon kay Usec. Leones, naabisuhan na rin nila ang mga airlines kaugnay ng ipaiiral na limitasyon sa isla para maiwasang sumobra sa 15,000 turista kada araw.

Maglalagay din daw ang Department of Tourism (DOT) ng mga help desk sa mga paliparan para malaman kung may available pang slots.

Pinayuhan din ng opisyal ang mga turista na mas mabuting piliin ang mga araw na hindi peak season para mas madaling maka-book. | ulat ni Alvin Baltazar