Inter-Agency Council for Traffic magdi-deploy ng P2P buses sa ilang lugar sa QC para maghatid sa mga estudyante

Maaga pa lang kanina nag-deploy na ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ng apat na buses para magamit ng mga estudyante na papasok sa kanilang eskwelahan.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Member at I-ACT Spokesperson Atty. Aileen Lizada, ito ay dahil hindi na papayagan ng Quezon City government na makapagbiyahe sa national road ang mga tricycle na naghahatid ng mga estudyante sa eskwelahan.

Susubukan muna ng I-ACT ang pag-deploy ng apat na P2P bus sa lugar, dalawang units sa Balara sa MWSS site habang dalawang units naman sa Aurora via Katipunan loop.

Sinabi pa ni Atty. Lizada, P12 lamang ang pasahe sa mga bus.

Una nang nagsagawa ng panghuhuli ang I-ACT sa mga tricycle kahapon sa bahagi ng Katipunan na naghahatid ng mga estudyante sa bahagi ng Aurora at Quirino High School.

May mga ganito ding eksena sa ibang lugar kung saan pinagbawalan ang mga tricycle na magsakay ng estudyante lalo pa’t dumadaan sa mga pangunahing lansangan. | ulat ni Rey Ferrer