Intel monitoring sa Davao City, paiigtingin kasunod ng Jolo bombing

DAVAO CITY — Mas paiigtingin ng Public Safety Security Command Center (PSSCC) ang kanilang intelligence monitoring sa lungsod kasunod ng pagpapasabog sa Jolo, Sulu noong Linggo.

Sa panayam kay PSSCC Head Benito de Leon, na ang naturang hakbang ay naaayon sa utos ni Mayor Sara Duterte na pag-review sa sitwasyon ng seguridad dito.

Ayon kay De Leon, nakikipag-ugnayan na sila sa Eastern Mindanao Command, Police Regional Office 11 at National Intelligence Coordinating Agency para makakuha ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga galaw ng mga terorista.

Sinabi pa nito na pinaiigting din nila ang lahat ng security measures sa lungsod para masiguro na walang makakalusot na sinumang taong may masamang balak.

Paniguro naman ni De Leon sa publiko na kinukunsidera nila ang bawat posibilidad na mangyayari para maihanda sa anumang insidente na mangyayari ang lungsod.   | ulat ni Armando Fenequito