Inside job sa pagkidnap ng 2 sundalo at 12 CAFGU, iniimbestigahan ng militar

Posibleng may kontak ang New People’s Army (NPA) sa isa sa mga Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na kinidnap ng NPA sa Army detachment sa Brgy. New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur nitong Miyerkules ng madaling araw.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana batay sa inisyal na impormasyong nakuha ng mga military investigators sa insidente.

Sa naturang insidente, nakubkob ng 50 hanggang 80 NPA ang detachment ng militar at kinidnap ang dalawang sundalo at 12 CAFGU sabay tangay sa lahat ng kanilang mga armas ng hindi nagkaputukan.

Sinabi ni Lorenzana na tinitingnan ngayon ang anggulo na ginamit ng kalaban ang isa sa mga CAFGU na may kamag-anak na NPA para makapasok sa kampo nang hindi ma-alerto ang mga sundalo.

Maari aniyang nag-relax lang ang mga tropa dahil hindi akalaing kalaban ang pumasok sa kampo, hanggang sa tuluyan nang na-overrun ng NPA ang kampo at wala na silang nagawa.

Sa ngayon aniya ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente, at patuloy din ang hot pursuit operations para mabawi ang binihag ng NPA na tropa ng pamahalaan.  | ulat ni Leo Sarne