Insentibo sa mga kumpanya na tatanggap ng dating PDL bilang empleyado, itinutulak sa Kamara

Itinutulak sa Kamara ang panukala na magbibigay ng tax break, sa mga kumpanya o negosyong tatanggap ng mga dating persons deprived of liberty (PDLs) bilang empleyado.

Sa ilalim nito, bibigyan ng dagdag na kabawasan sa kanilang gross income ang mga kumpanyang magha-hire ng mga dating PDLs, na katumbas ng 15 percent ng kabuuang sweldo ng mga iha-hire na dating bilanggo.

Ibig sabihin, papayagan ang 115 percent ng labor expenses sa mga former PDLs na ibawas sa gross income ng mga kumpanya.

Titiyakin naman ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, na ang mga probisyong ilalatag sa panukala ay ‘veto-proof’ at hindi maaabuso ng mga employer na magha-hire, magsisibak at magre-rehire ng mga dating PDLs, para lamang maka-avail o makakuha ng benepisyo.

Isang grupo naman ang binuo, na siyang maglalatag ng rekomendasyon para sa formulation sa tax provision na magbibigay ng insentibo sa mga negosyo na magha-hire ng mga former PDL.