Inmates na kwestyonableng nakalaya sa GCTA na nangibang bansa, maibabalik sa Pinas kahit walang extradition treaty – PNP Chief

Maaari paring maibalik sa bansa ang mga presong kwestyonableng nakalaya sa good conduct time allowance (GCTA) na nangibang-bansa na, kahit walang extradition treaty ang Pilipinas sa mga bansang pinatunguhan ng mga ito.

Ang pahayag ay ginawa ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde, kaugnay ng mga ulat na maaaring nagtatago na sa ibang bansa ang ilan sa mga pinalayang preso na sangkot sa heinous crimes.

Ayon kay Albayalde, maaari pa rin nilang ipa-deport pabalik ng Pilipinas ang isang wanted fugitive sa pamamagitan ng Red Notice ng INTERPOL o International Police.

Magugunitang si Kerwin Espinosa, na wanted sa kasong iligal na droga noong 2016, ay idineport pabalik sa bansa ng Abu-dhabi Police, matapos itong arestuhin doon sa bisa ng Red Notice ng Interpol.

Ang kaibahan lang aniya sa extradition, ay kailangan lang hintayin na ang bansa kung saan nahuli ang suspek, ang magkusa na ideport ang suspek.

Ayon kay Albayalde, natural lang na mas gugustuhin ng mga dayuhang bansa na wala sa kanila ang mga mapanganib na kriminal, kaya pihadong idedeport ang mga ito pabalik sa kanilang pinanggalingan.

Sinabi ni Albayalde, na ganito rin ang sitwasyon ng ibang bansa na walang extradition treaty sa Pilipinas na humihingi ng tulong sa pamahalaan, kapag dito nagtatago ang mga wanted na mamamayan nila.