Inmates at BJMP personnel sa Bocaue Municipal Jail, 100% ng nabakunahan vs. COVID

May kabuuang 148 na persons deprived of liberty (PDL) at 19 na mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bocaue Municipal Jail, ang tapos ng mabakunahan ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay BJMP Chief Jail Director Allan Iral, dalawa sa mga nabakunahan ay mga senior citizen at 10 ang may comorbidities.

Target ni Iral, na tiyaking lahat ng makakalaya sa pasilidad ay mabigyan ng proteksyon laban sa pandemya.

Noong nakalipas na June 15, unang isinagawa ng BJMP National Headquarters ang mass vaccination sa mga personnel nito mula sa Regions 3, CALABARZON, at MIMAROPA.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 10,459 BJMP personnel at 1,766 PDL, na karamihan ay mga senior citizen at may comorbidities ang tapos ng mabakunahan.