Initial payout sa PUV drivers na sumali sa Service Contracting Program ng DOTr at LTFRB, higit P46-M na

Umabot na sa P46.1 million na halaga ng initial payout ang naipamahagi sa 11,543 driver ng pampublikong sasakyan, na sumali sa Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Kabilang sa mga benepisyaryo nito ang mga driver ng traditional at modern jeepney, at public utility buses mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Bawat isa ay nakakatanggap ng P4,000.

Sa tala ng LTFRB ngayong araw, nasa 38,097 ng public utility drivers ang nakapagrehistro na sa service contracting program, at 26,721 sa kabuuang bilang ang sumailalim sa oryentasyon.

Target ng DOTr at LTFRB na makahikayat ng 60,000 driver na sumali sa programa, upang makatanggap ng insentibo mula sa gobyerno, sa bawat kilometro na kanilang tinatakbo.