Initial payout sa PUV drivers na sumali sa Service Contracting Program ng DOTR at LTFRB, higit P46-M na

Umabot na sa P46.1 milyong halaga ng initial payout ang naipamahagi sa 11,543 tsuper ng pampublikong sasakyan na sumali sa Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Kabilang sa mga benepisyaryo nito ang mga drayber ng traditional at modern jeepney at public utility buses mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Bawat isa ay nakakatanggap ng P4,000.

Sa tala ng LTFRB ngayong araw, nasa 38,097 ng public utility drivers ang nakapag-rehistro na sa Service Contracting Program at 26,721 sa kabuuang bilang ang sumailalim sa oryentasyon.

Target ng DOTR at LTFRB na makahikayat ng 60,000 drayber na sumali sa programa upang makatanggap ng insentibo mula sa gobyerno sa bawat kilometrong kanilang tinatakbo.