Inisyal na pinsala ng bagyong Ambo sa agrikultura sa 3 rehiyon, abot na sa ₱185-M

Nasa ₱185.83-million na ang pinsala sa agrikultura at livestock sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon), Bicol, at Eastern Visayas Regions ng bagyong Ambo.

Base sa ulat ng Department of Agriculter (DA) kabuuang 40,872 magsasaka na may sinasakang 9,977 ektarya ng agricultural lands ang naapektuhan.

Sa kabila nito, bago pa man manalasa ang bagyong Ambo nagawa pa ng mga magsasaka na anihin ang kanilang pananim.

Nasa 93,507 ektarya dito ay pananim na palay at 75,467 ektarya ng mais sa CAR, Regions 1, 2, 3, 4-A, 5, 6, 7 at 8.

Nasa 416,732 metric tons ng palay na nagkakahalaga ng ₱7.01-billion at 208,890 metric tons ng mais na nagkakahalaga ng ₱2.17-billion ang naisalba ng magsasaka sa pagkasira.

Inatasan na ni Agriculture Secretary William Dar ang mga DA Regional Executive Directors na magsagawa pa ng assessment sa damage at losses sa pananim, livestock at pangisdaan kabilang ang farm infrastructures at mga gusali at agad na magbigay ng ayuda sa mga affected na magsasaka at mangingisda.

May nakahanda nang ayuda para sa kanila mula sa Quick Response Fund na pinaglaanan ng ₱700-million para sa rehabilitasyon ng mga nasirang lugar.

Mayroon ding ipapamahagi na mga rice seeds, corn seeds, iba’t ibang buto ng gulay at mga gamot na kailangan para sa livestock at poultry.