Info campaign vs casino-related kidnapping, inilunsad

Dahil sa dami ng mga dinudukot na dayuhan, partikular ang mga Chinese national sa casino-related kidnapping incidents, naglunsad ang Philippine National Police (PNP)-Anti Kidnapping Group (AKG) ng isang information campaign upang balaan ang mga potensyal na biktima.

Ayon kay PNP-AKG Spokesperson Lt. Col. Elmer Cereno, bahagi ng information campaign ang paglalagay ng mga “poster” sa mga casino, hotel, immigration offices at Chinese community.

Ang mga poster ay naglalaman ng impormasyon ukol sa modus ng sindikato na nambibiktima ng mga casino player, at nakasulat ito sa Ingles at Chinese language.

Ayon kay Cereno, naikalat na nila ang mga poster sa Parañaque, Pasay at Cavite City, at makikipag-usap sila sa Manila International Airport Authority (MIAA), para mai-flash din ito sa mga screen sa airport terminals.

Ngayong 2019, umabot na sa 68 ang mga banyagang biktima ng kidnapping karamihan sa mga ito ay Chinese.

Modus ng mga loan-shark syndicate ang magpautang sa mga sugarol na Chinese at kapag natalo o hindi nakabayad, ay dudukutin ang mga ito para pabayaran sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan ang kanilang pagkakautang.