Info campaign sa kaligtasan sa panahon ng baha, inilunsad ng PNP

Inilunsad ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group ang isang information campaign sa coastal communities para sa kaligtasan ng mga residente sa panahon ng tagbaha.

Ayon kay PNP Maritime Group Director PBgen. R-Win Pagkalinawan, inilunsad nila ang information caravan sa tulong ng LGUs upang maiwasan ang kapinsalaan sa pagbaha sa coastal communities.

Kabilang sa mga isinusulong sa kampanya ang paglilinis sa mga baybayin, pagtanggal ng basura sa mga daluyan ng tubig at pangangalaga sa mangrove areas.

Tiniyak naman ni Bgen Pagkalinawan, na sa panahon na may pagbaha ay handang umalalay ang PNP Maritime group, dahil kumpleto sila sa gamit tulad ng mga rubber boat, masks, fins, scuba gear at mga kagamitan para sa underwater rescue.

Sinabi ni Pagkalinawan, na umaasa siya na sa Capability Enhancement Program ng PNP ay madadagdagan pa ang kanilang kasalukuyang 174 water assets na nakakalat sa buong bansa.

Ito’y upang maging mas epektibo ang Maritime group, hindi lamang sa mga law enforcement operations kundi maging sa disaster response.