Indonesian national na ilang linggo ng stranded sa karagatan, naligtas sa baybayin ng Tawi-Tawi

Naligtas ng mga lokal na mangingisda sa baybayin ng tawi-tawi ang isang Indonesian National, na ilang linggo ng stranded sa kanyang “floating cottage” sa karagatan.

Kinilala ni Capt. Jo-ann Petinglay, tagapagsalita ng Western Mindanao Command ang Indonesian National na si Erens Fiter.

Si Fiter ay natagpuan ng mga mangingisda sa karagatan ng Brgy. Manuk Mangkaw, Simunul, Tawi-Tawi, bandang alas kwatro ng hapon noong Lunes, at kinabukasan ay dinala sa Simunul Municipal Police Station.

Batay sa salaysay ng biktima, tinangay ng malakas na hangin ang kanyang house-boat mula sa pagkaka-ankla nito noong March 19, hanggang sa mapunta ito sa gitna ng karagatan.

Sinikap aniya niyang humingi ng saklolo sa mga dumadaang barko pero hindi aniya siya napapansin.

Itinurn over na ng Philippine National Police (PNP) ang Indonesian sa Joint Task Force Tawi-Tawi sa Bongao, na nakikipag-coordinate sa INTERPOL, Bureau of immigration (BI) at Indonesian Border Crossing Station (BCS) para sa disposisyon ng dayuhan.

Ayon kay Brigadier General Custodio Parcon, Commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi, inisyal na kinumpirma ng Indonesian BCS ang nasyonalidad ni Fiter, pero bineberipika ang background nito. | via Leo Sarne