Indonesian na 4-na-buwang bihag ng Abu Sayyaf, nailigtas ng Phil Army

Nailigtas kahapon ng mga tropa ng 5th at 11th Infantry Division ng Philippine Army sa tulong ni dating Sulu Governor Abdul Sakur Tan, ang isang Indonesian na apat-na-buwang bihag ng Abu Sayyaf.

Kinilala ni Western Mindanao Command Spokesperson Col. Gerry Besana ang naligtas na hostage na si Juragan Kapal Samsul Saguni.

Si Saguni at ang kanyang kasamang si Usman Yunos, ay dinukot ng Abu Sayyaf group (ASG) noong September 11, 2018, habang sakay ng isang Malaysian fishing/trawler vessel, sa karagatan ng Semporna, Sabah.

Unang nailigtas Si Yunos noong December 6, 2018 ng mga tropa ng Marine Battalion Landing Team 3, Philippine Marine Ready Force Sulu at Sulu Provincial Police Office.

Matapos sumailalim sa medical check up at debriefing sa Joint Task Force (JTF) Sulu headquarters sa Barangay Bus-bus, Jolo, si Saguni ay dinala sa Western Mindanao Command para i-release sa Indonesian authorities.

Sa kasalukuyan ay limang dayuhan at tatlong Pilipinong bihag pa ang hawak ng Abu Sayyaf sa Sulu.   | ulat ni Leo Sarne