Independent investigation sa ginagawang rehabilitasyon sa Boracay, hiniling ng isang environmental group

Nanawagan na ang Kalikasan People’s Network for the Environment na dapat magkaroon ng isang independent body na mag-iimbestiga sa implementasyon ng rehabilitasyon sa Boracay Island.
 
Partikular na dito ang imbestigasyon sa pagpapatag ng bundok sa Barangay Yapak para sa konstruksyon ng Costa dela Vista Resort na pagmamay-ari ng pamilya Villar.
 
Ayon kay Leon Dulce, ang national coordinator ng Kalikasan-PNE, sa kabila ng pagsasara sa isla para sa rehabilitation purposes ay ginagawa naman ang mountain clearing sa lugar.
 
Mahirap daw na paniwalaan ang mga pahayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) hangga’t hindi isinasapubliko ang master plan ng rehabilitasyon.
 
Hiniling din ng grupo na alisin na ang closure order sa Boracay at payagan ang civil society, social movements at media organizations para makapagsagawa ng monitoring sa mga kaganapan sa Boracay.
 
Sa halip daw na militar at pulis na inilagay sa lugar dapat palitan sila ng mga environmental experts at technicians na tiyak makakatulong sa rehabilitasyon sa isla. | via Rey Ferrer