Incoming-Tourism Sec. Puyat, walang dudang lulusot nang walang kahirap-hirap sa mapanuring Commission on Appointment

Walang duda, lulusot sa makapangyarihang Commission on Appointments ang pagkakatalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Bernadette Romulo-Puyat. Ito’y kapag ngayon na isasalang sa komisyon ang kanyang nominasyon bilang secretary ng Department of Tourism.

Ito’y makaraan na bumuhos ang suporta at papuri ng mga senador kay incoming-Tourism Secretary Puyat at sinabing siya’y isang excellent choice para sa posisyon na iniwan ng nagbitiw na si dating Tourism Secretary Wanda Teo.

Para kay Senate Majority Leader Tito Sotto, si Puyat ay excellent choice dahil matalino at malinis ang record sa gobyerno.

Kapuri-puri naman para kay Senadora Grace Poe ang academic at professional credentials ni Puyat.

Ani Poe, napatunayan na ni Puyat na siya’y isang competent at maaasahang public official matapos na makapagsilbi sa maraming administrasyon sa iba’t ibang kapasidad.

Kumpiyansa rin si Poe na si Puyat ay lulusot nang walang kahirap-hirap sa makapangyarihang Commission on Appointments.

Sabi naman ni Senador Juan Miguel Zubiri, matagal na niyang kakilala si Puyat at kaya niyang garantiyahan ang mabuting karakter nito at integridad sa larangan ng serbisyo-publiko.

Maging ang mga taga-oposisyon na sina Senador Kiko Pangilinan at Bam Aquino ay naghayag din ng kanilang pagtanggap sa appointment ni Puyat na pamunuan ang Tourism Department. | via Jojo Ismael