Inaasahang P6M cash reward ni Asian Games gold medalist Hidilyn Diaz, baka madagdagan pa – Sec. Roque

Naniniwala si Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi magpapahuli si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng cash reward kay Asian Games gold medalist Hidilyn Diaz.

Ayon kay Roque, tuwang-tuwa ang pangulo sa pagkakapanalo ni Diaz na inihabol pa nito sa kanyang talumpati kamakalawa sa lungsod ng Cebu.

Doon ay binati ng Presidente sa publiko si Diaz na kung saan, napa-wow pa ang punong ehekutibo dahil sa kauna-unahang gold medal na nasungkit ng bansa sa pamamagitan ng weightlifter na si Diaz.

Sabi ni Roque, siguro naman ay makaaasa ang Pinay athlete ng cash incentive mula sa Presidente gaya ng ginawa na rin ng Pangulo nang magdala naman ng silver medal si Hidilyn sa Pilipinas noong taong 2016 summer Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.

Dalawang milyong piso ang ipinagkaloob na insentibo ng Pangulo kay Diaz noon.

Si Diaz ay inaasahan nang makakatanggap ng tumatanginting na anim na milyong pisong cash incentive.

Tig dalawang milyon mula sa Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, habang tig-isang milyong piso naman ang ipagkakaloob ng Siklab Pilipinas Sports Foundation at ni Philippine Ambassador to Indonesia Lee Hiong Wee. | ulat ni Alvin Baltazar