Implementasyon ng binagong traffic scheme ng MMDA sa Commonwealth-Elliptical Road, epektibo na bukas

Epektibo na bukas, araw ng Lunes (April 9) ang binagong traffic scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bahagi ng Commonwealth Avenue at Elliptical Road sa Quezon City upang remedyuhan ang matinding trapik na dulot ng MRT-7 project expansion.

Hinihingi naman ni MMDA Acting General Manager Jose Arturo Garcia ang kooperasyon ng mga motorista sa pamamagitan ng pagsunod sa ipatutupad na traffic rules at regulations sa lugar.

Una dito, nagsagawa muna kahapon (Sabado) ng ‘dry run’ ang ahensya para sa implementasyon ng binagong traffic scheme upang maiwasan na rin ang pagkalito.

Ayon pa kay Garcia, ang lahat ng public utility vehicles (PUVs) na magmumula sa Elliptical Road ay dapat nang dumaan sa Maharlika Street at saka kumaliwa sa Masaya Street papunta sa destinasyon.

Ito ay dahil gagawing one-way ang mga nabanggit na kalsada gayundin ang mula sa Maginhawa Street palabas ng Commonwealth Avenue.

Upang magabayan ang mga PUVs ay naglagay na doon ng mga plastic barriers ang MMDA at nagtalaga rin ng mga designated loading at unloading areas. | via Shane Juan