Immigration, may paalala sa mga menor de edad na nais maging OFW

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko na patuloy pa rin ang nagaganap na human trafficking sa bansa at ang target ng mga sindikato ay mga underage overseas Filipino workers (OFWs).

Ang naturang babala ay ipinahayag ni BI Commissioner Jaime Morente makaraang maharang ang dalawang Pilipina na pineke ang petsa ng kanilang pagsilang upang makapagtrabaho sila sa ibang bansa.

Binalaan din ni Morente ang mga Pilipino na hindi pa umaabot sa age requirement para sa OFW na huwag na nilang ituloy ang kanilang plano na magtrabaho sa ibang bansa dahil madaling makaranas ng pang-aabuso at pagsasamantala ang mga tulad nila.

Ayon kay Morente, naharang ng mga tauhan ng BI-Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) ang dalawang Pinay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago pa man sila makasakay sa eroplano patungong Middle East.

Itinurn-over ang dalawang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang matulungan sa pagsampa ng reklamo laban sa kanilang recruiters.