IMEG, babantayan ang recruitment ng mga bagong pulis

Inatasan ni Philippine National Police Chief PGen. Guillermo Eleazar ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na maglagay ng complaint desk sa lahat ng recruitment activities ng PNP sa buong bansa.

Kaugnay nito, inilunsad ni IMEG Director PBgen. Thomas Frias Jr. ang Oplan Pagsungko 2, kung saan bababantayan ng mga tauhan ng IMEG ang bawat hakbang ng recruitment process.

Ito’y para masiguro na istriktong nasusunod ang mga direktiba ng PNP Chief kaugnay ng Intensified Cleanliness Program ng PNP.

Babala ni Gen. Frias, gagamit sila ng mga lantad at palihim na hakbang para masiguro na Walang iregularidad sa proseso ng pag-recruit.

Una nang sinabi ni Gen. Eleazar na wala nang palakasan at bata-bata system sa recruitment ng mga pulis, at tatanggapin ang mga aplikante base lang sa kanilang kwalipikasyon.

Kahapon ay nagsimula na ang pagpili ng mga kwalipikadong aplikante para sa mahigit 17,000 bagong pulis na kukunin ng PNP.