Imee Marcos, nagpahayag ng pagsuporta sa kampanya kontra ‘tambay’

Hindi lahat ng tambay inosente.

Ito ang patutsada ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa mga human rights groups na bumabatikos sa kampanya kontra ‘tambay’ ng Philippine National Police (PNP).

Sa kanyang pagpapahayag ng suporta sa PNP, sinabi ni Marcos na nalulungkot siya na nakikita ang sunud-sunod na batikos na tinatanggap ng PNP sa kanilang kampanya kontra ‘tambay’.

Madalas aniyang napag-uusapan ang human rights ng mga tambay pero tila nakakalimutan ang karapatan ng mga babae na makauwi nang ligtas sa gabi at ng mga matatanda na makalakad ng walang pangamba sa kalye.

Binigyang diin ni Marcos na ang bawat mamamayan ay dapat may freedom from fear, freedom from lawlessness, at freedom from violence.

Bilang isang local chief executive, wala aniyang problema sa kanya ang paghuli ng mga pulis ng mga masasamang elemento sa mga lansangan basta’t ito’y alinsunod sa batas.

Si Marcos ang panauhing pandangal at pangunahing tagapagsalita sa isinagawang flagraising ceremony sa Camp Crame ngayong umaga. | ulat ni Leo Sarne