Imbestigasyon sa pondo para sa emergency shelter assistance ng mga biktima ng bagyong Nina noong 2016, ipinag-utos ng DSWD

Pinaiimbestigahan na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Joselito Bautista ang dahilan ng delay sa distribusyon ng emergency shelter assistance para sa mga biktima ng nagdaang bagyong Nina na tumama sa bansa noong 2016.

Ang hakbang ni Bautista ay alinsunod sa inilabas na findings ng Commission on Audit (COA) na may kinalaman sa pondo na inilaan para sa mga biktima ng kalamidad noon.

Pinulong na ni Bautista ang ilang DSWD officials at pinayuhan ang mga kinauukulang field offices nito na isumite ang mga dokumento na may kinalaman sa mga transaksyon kaugnay sa implementasyon ng emergency shelter assistance.

Dagdag pa ng kalihim, anumang resulta na lalabas sa kanilang imbestigasyon ay agad na ipapaalam nito sa publiko.

Pagtiyak pa ng opisyal na susundin ng DSWD ang rekomendasyon ng COA kung papano resolbahin ang isyu at tiniyak pa na lahat ng pondo na ipinagkatiwala sa ahensiya ay gugugulin ng tama para sa mga lehitimong benepisyaryo.  | ulat ni Rey Ferrer