Imbestigasyon sa pagkasawi ng magpinsang Absalon sa Masbate, dapat ituloy

Lalong dapat ituloy ang imbestigasyon sa pagkasawi ng FEU Football Stalwart na si Kieth Absalon, at pinsan nito kahit pa inako na ng New People’s Army (NPA) ang insidente.

Pagbibigay diin ni Agusan del Norte Representative Lawrence Fortun, na nagsisilbi ring Governor ng Philippine Football Federation, hindi dapat mauwi sa pagiging case closed ang insidente kahit pa inako ng NPA ang pagpapasabog ng IED at humingi na ng kapatawaran.

Dapat ay magsagawa pa nga aniya ng follow-up operation ng Philippine National Police (PNP) sa Masbate, at dapat na rin aniyang mamagitan ang National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) sa imbestigasyon.

Bunsod na rin ito ng pahayag ng pamilya ng mga biktima, na hindi lang basta sa pagsabog ang tinamong injury ng kanilang kaanak ngunit mayroon ding gunshot wounds.

Kakailanganin ani Fortun ng expertise ng NBI, upang magsagawa ng masusing autopsy sa labi ng dalawang biktima.

Mainam din ayon sa kinatawan, na magtalaga ang DOJ ng special team ng prosecutors na tututok sa kaso.

Pinatitikay naman ni Fortun, na mabigyan ng seguridad ang pamilya Absalon, matapos mapansin ang ilang hindi kilalang indibidwal na umaaligid sa kanilang tahanan.

Iminungkahi rin nito, na i-isolate o alisin muna sa Masbate ang mga witness para sa kanilang kaligtasan.