Imbestigasyon sa misencounter ng PNP at AFP sa Sta. Rita Samar, naka-focus sa ‘level of coordination’ – PNP chief

Naka-focus sa ‘level of coordination’ ang imbestigasyon sa misencounter ng PNP At AFP sa Sta. Rita Samar na nagresulta sa pagkasawi ng anim na pulis at pagkasugat ng siyam na iba pa.

Ito ang sinabi ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde matapos personal na makausap ang mga police at military officials ng Region 8 sa pangunguna ni PRO8 Director Police Chief Supt. Mariel Magaway at Philippine Army 8th Infantry Division Commander Maj. General Raul Farnacio sa kanyang pagtungo kahapon sa rehiyon.

Kasabay nito, ipinagutos ni Albayalde ang pag-relieve sa dalawang opisyal kasunod ng naganap na misencounter.

Ayon kay Albayalde, ang pag-relieve kay Supt. Glen Oliver Cinco, ang officer in charge ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 8 at Chief Inspector Don Archie Suspeñe, commander ng 805th Mobile Company RMFB 8 ay para bigyang daan ang isang impartial investigation.

Si Chief Insp. Suspeñe ang team leader ng 33 pulis na naka-misencounter ng 16 na sundalo ng 87th Infantry Batallion sa Sitio Lunoy, Barangay San Roque in Sta. Rita, Samar noong Lunes ng umaga na nagresulta sa pagkasawi ng anim na pulis at pagkasugat ng siyam na iba pa. | ulat ni Leo Sarne